Opinyon ng New York Times
Ang Susunod na Target ni Trump: Mga Legal na Imigrante
Maaaring malapit nang manganib ng deportasyon ang mga imigranteng sumusunod sa batas at nag-aambag sa kanilang mga komunidad. Dapat ipaggiitan ng mga Amerikano na harangan ng Kongreso ang panukalang ito.
Ni Tung Nguyen at Sherry Hirota
Setyembre 25, 2018
Nung dumating si Kam Tam sa Estados Unidos mula sa China sa edad na 16 na taong gulang 50 taon na ang nakalipas, hindi siya gaanong marunong magsalita ng Ingles, sira-sira ang kanyang ngipin at mayroong aktibong tuberkulosis, at 96 na pounds lang ang kanyang timbang. Sa pamamagitan ng pagtitiyaga at kaunting tulong, napanumbalik niya ang kanyang kalusugan. Ang mga tagapagkaloob sa kanyang sentrong pangkalusugan ng komunidad na pinondohan ng publiko sa San Francisco ay nakabunot ng apat na molar at ginamot ang kanyang tuberkolosis.
Nakapagtapos siya ng kolehiyo at nakapag-aral ng parmasiya sa tulong ng karakter na itinanim sa kanya ng kanyang mga magulang, ayon kay Dr. Tam. Ngayon, siya ay isang matagumpay na negosyante at parmasyutiko na nagbayad na sa lipunan para sa suporta na natanggap niya at ng kanyang pamilya. Patuloy siyang maluwag na nag-aambag sa lipunan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng kanyang mga serbisyong propesyonal at mapagkukunang pinansyal sa mga pamilyang nangangailangan sa Oakland.
Subalit sa ilalim ng isang panuntunan na pinanukala nitong nakaraang linggo ng Kagawaran ng Homeland Security, maaaring mawala sa mga legal na imigrante ang pagkakataon na magtagumpay tulad ni Dr. Tam dahil ginamit nila ang mga benepisyo mula sa gobyerno na karapat-dapat sa kanila. Nais ng administrasyon ni Trump na ipagkait ang permanenteng paninirahan na ayon sa batas, na kilala rin bilang green card status, sa mas nakararaming legal na imigrante dahil sa kanilang pagkakatanggap ng tulong pampubliko.
Naipapatupad na ang isang mas makitid na bersyon ng panuntunang ito nang maraming taon. Sa kasalukuyan, ang mga imigrante ay maaaring hindi bigyan ng green card kung sila ay itinuturing na umaasa sa tulong pinansyal ng gobyerno para sa higit sa kalahati ng kanilang kita. Ngunit, ang administrasyon ni Trump ay nagpanukala na palawakin ang sakop ng panuntunang ito upang potensyal na ipagkaila ang green card sa mga imigrante na gumamit ng anuman sa mas malawak na saklaw ng mga pampublikong benepisyo na hindi pera.
Ang bagong panuntunan ay potensyal na magkakaila ng permanenteng paninirahan sa isang tao na gumamit ng mga serbisyong panlipunan tulad ng Medicaid; Medicare Part D, na nakakatulong sa mga matatanda na makabili ng mga gamot na nireseta; mga food stamp; at Section 8 na mga voucher sa tirahan.
Kahit ang mga imigranteng nakatanggap ng relatibong maliliit na halaga ng tulong nang maikling panahon ay maaari nang ituring na “pasanin ng publiko” at maging hindi karapat-dapat para sa mga green card. Sa pinakamalalang kaso, maaaring ipagkait ang permanenteng legal na katayuan sa mga legal na imigrante na nagbuo ng kanilang buhay sa bansang ito at maaaring mahiwalay sa kanilang mga pamilya. Ang panukala ay maaaring maging pinal matapos ang 60 araw na panahon ng pagsusuri ng publiko.
Ang pagtrato sa mga imigrante bilang mga pasanin ng publiko ay batay sa di makatarungang prinsipyo na ang kita at yaman ang tumutukoy ng halaga ng isang tao sa lipunan. Maaari na ngayong manganib na mapauwi ang mga legal na imigrante na sumusunod sa batas, nagbabayad ng buwis, at nag-aambag sa kanilang mga komunidad, kung wala silang sapat na ipon upang maitawid ang mga hindi inaasahang emerhensya. Maaari silang mapilitang pumili sa pagitan ng pangangalagang pangkalusugan at pagkain para sa kanilang mga anak at pagkakataong manatili sa bansang ito.
Isang malaking bilang ng mga imigranteng pamilya ang maaaring maapektuhan ng pagbabagong ito. Tinatayang 3.8 milyong Asian-American at Pacific Islander at 10.3 milyong Hispanic ay naninirahan kasama ang mga pamilya kung saan hindi bababa sa isang miyembro ay gumamit ng isa sa mga serbisyong ito. At mayroong 10.5 milyong bata sa Estados Unidos na nasa mga pamilyang tumatanggap ng mga benepisyong pampubliko at mayroong kahit isang magulang na hindi mamamayan, ayon sa Migration Policy Institute. Siyam sa 10 ng mga batang ito ay mga natural-born na citizen, at maaaring mawatak ang kanilang pamilya kung ang isa sa magulang ay maituturing na pasanin ng publiko at hindi na maaaring makapanatili sa bansa.
Ang takot sa pinapanukalang panuntunan, na naging usap-usapan nang ilang buwan, ay maaaring nakapagpahina na sa pangangailangan para sa mga serbisyo. Ang mga klinika ng agarang-pangangalaga ng komunidad ay nagkaroon ng mga pasyenteng humihiling na matanggal ang kanilang mga record, at ang ilang mga imigrante ay tumangging magpalista para sa mga programa ng tulong sa pagkain, dulot ng mga pag-aalala tungkol sa deportasyon at pagkakahiwalay nila sa pamilya. Kung walang mga screening at akses sa pagpapagamot, malaki ang posibilidad nila na magkasakit na asthma, magkaroon ng problema sa paningin, mataas na presyon ng dugo, cancer at mga sakit sa kalusugang pangkaisipan.
Maraming pananaliksik ang nagpapakitang nagpapalakas ng ating lipunan ang mga legal na imigrante. Mas malaki ang rate ng paglahok sa puwersa ng manggagawa ang mga imigrante kaysa sa mga Amerikanong ipinanganak talaga sa bansa. Di hamak na mas mababa ang antas ng paggamit ng mga hindi mamamayan sa mga programang para sa kapakanan kaysa sa mga ipinanganak sa bansa mismo. Mas mababa rin ang paggamit ng mga pamilyang imigrante sa mga serbisyong pangkalusugan kaysa sa mga hindi imigrante, ayon sa mga pag-aaral, kaya mas napapanatiling mababa ang halaga ng pangangalagang pangkalusugan para sa mas nakararaming populasyon.
Sa kabila ng patunay na ito, ang administrasyon ni Trump ay kumikilala sa ideolohiyang laban sa imigrante. Ang panukalang panuntunan na ito ang pinakamababang uri ng pagtira, na inuugnay kay Attorney General Jeff Sessions at ang kanyang 2015 na white paper na maling naninisi sa mga legal na imigrante para sa mga pagkawala ng trabaho ng mga mamamayan.
Nagbubuo ng mga koalisyon ang mga tagapagkaloob ng serbisyong pangkalusugan at mga aktibista na imigrante upang ipaalam ang kanilang pagsalungat. Ngunit, dapat ipaggiitan ng mga Amerikano na mamagitan ang Kongreso upang hadlangan ang panukalang ito.
Dapat nating ipaglaban ang ating pagkakakilanlan bilang isang bansa na mayroong iisang pananaw at mga pinapahalagahan, na binuo sa matinding pagtatrabaho, matatag na mga pamilya, paggalang at kagandahang-lobb. Ang mga pinapahalagahang ito ang nagdidikta na magkaroon tayo ng malasakit sa isa’t isa, na kinikilala natin na tayo ay kasing-lakas lamang ng pinakamahina sa atin.
Si Dr. Tung Nguyen ay isang propesor ng medisina sa University of California, San Francisco. Si Sherry Hirota ang chief executive ng Asian Health Services sa Oakland, Calif.